ayun, halos limang taon kaming namuhay sa rizal na walang ina at ama. pero di gaya ng dati, di na ako pumapalahaw ng iyak. mas madalas unan ang nakakarinig ng hikbi ko. dahil itinanim ko sa puso't isipan na matapang ako. matapang kaming dalawa ni kuya nonoy. paminsan minsan pinaaanod ko sa tubig irigasyon ang aking mga luha. habang naliligo o naninisid ng tulya (mas kilala ko noon bilang dukyang). (may mga kuwento pa ako, ipa flash back ko na lang.)
Bumalik si nanay mula sa tarlac dahil sa mga balita tungkol sa amin. nag alsa balutan kami papuntang pantabangan sa kinakapatid daw ni nanay, kina tito frank asawa ni ate milis.
sa isang maliit na kuwartong nandoon na lahat kami nakatira. nadoon na lahat kasi sa umaga, salas, sa gabi kuwarto na rin, pagkakain na kusina, at pag may bisita, e di receiving area. masaya dahil package deal ika nga. nakaupo kaming kumakain sa sahig, tabi-tabi kaming natutulog sa sahig parin na iyon. kung alam ko na ngang magbigay ng award noon, binigyan ko ng certificate of appreciation ang tinuluyan naming kwarto na iyon.
labandera si nanay at tumutulong sa paghahain sa kantina. sa 180 na sweldo kada buwan, nakakakain na kami isa o dalawang beses isang araw. masaya na ito para sa akin pero hindi kay kuya romy, sa panganay namin. naglayas siya. lumuwas pa-maynila.hanggang sa wala na kaming balita.
madalas naglalaba si nanay sa booster (malaking outlet ng tubig sa reservoir ng pantabangan dam. habang naglalaba sya, binubuo ko sa aking diwa ang mga pangarap na akala ko ay mahirap matupad.
nadagdagan ang kapatid kong di namin kapiling. si ditse (leonor) namasukang katulong sa rizal, sa isang titser. si sanse (ate virginia), sa rizal din. si ate mila nag-aral sa rizal ito daw kasi ang pwedeng mag-ahon sa amin sa pagdarahop.
mabait talaga ang Diyos, nakakuha kami ng bahay, bahay na may kusina, sala, at dalawang kuwarto. di na kasi kasya sa bahay nila ate milis ang mga drayber ng baliwag transit inc. mautak si nanay, kumuha ng bahay at ginawang boarder ang ilang drayber. nagkasideline ako. taga walis ng bus sa hapon. singkuwenta hanggang piso ang bigay sa akin.
nakapag-aral ako ng grade 1 sa gulang na walo. pinakamatanda sa klase. nakilala ko si mrs. abang, ang aking adviser. naging paborito niya ako, di dahil sipsip ako, kundi dahil madalas niya akong makita na di nagre-recess o kaya ay nilupak and baon.
matapos ang taon, nakita ko na ang bunga ng binuo kong pangarap sa booster, habang naglalaba si nanay.
...itutuloy muli...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment